DUMATING sa lungsod ng Puerto Princesa ang mga opisyales ng National Housing Authority (NHA) para mamahagi ng Emergency Housing Assistance Program o EHAP sa mga pamilyang naging biktima ng sunog nito lamang buwan ng Pebrero.
Nasa mahigit 373 pamilya mula sa mga barangay ng Pagkakaisa at Bagong Silang ang inaasahang magiging benepisyaryo ng programa.
Ang pamamahagi ay pinangunahan ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go katuwang ang
tanggapan ng ikatlong Distrito ng Palawan na pinangangasiwaan ni House Speaker Martin Romualdez at lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa sa pamumuno ni Mayor Lucilo Bayron.
Ayon kay NHA Regional Director Roderick Ibañez ang EHAP ay matagal nang programa ng National Housing Authority na mas pinaigting ni dating Pangulo Rodrigo Duterte para sa patuloy na pagbibigay serbisyo sa mga mamamayang Pilipino na naging biktima ng anumang sakuna o kalamidad.
Ani Direktor, ang bawat pamilya ay makatatanggap ng P10,000 sa ilalim ng nabanggit na programa.
“Ang inyong matatanggap ngayon ay hindi naman kalakihan upang iparepair ang inyong mga nasirang tirahan.., kaya ang paki-usap lang po namin ay maging wais po tayo sa paggamit ng biyayang ito. Ang alam ko po ang bawat isa sa inyo ay makatatanggap ng P10,000,” ayon kay RD Ibanez.
Sinusugan naman ni Mayor Bayron ang naging pahayag ng Direktor, at nagpaalala sa mga benepisyaryo na gamitin sa tama ang matatanggap na tulong.
Samantala, dumalo rin sa aktibidad sina NHA District Officer Engr. Maximo Cabasal, City Councilor Elgin Robert Damasco, Kapitan Romy Remojo, Kapitan Rene Balacanta at Arianne Tampoy, representante ng Ikatlong Distrito ng Palawan.