Magsasagawa ng imbestigasyon ang Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa para panagutin sa batas ang sinumang responsable sa diumano’y iligal na tistisan ng mga tabla na natagpuan sa Sitio Impapay, Barangay Irawan.
Ito ang inihain ni City Councilor Elgin Robert Damasco kanina sa regular na sesyon ng City Council na isa sa mga nakadiskubre ng mga tabla at iba pang uri ng kahoy na nakaimbak sa loob ng custodial facility ng City ENRO sa naturang barangay.
Ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ay sinuportahan naman ng kaniyang mga kasamahang Konsehal.
Sa hiwalay na panayam kay City ENRO Officer Atty. Carlo Gomez, sinabi nito na bukas sila sa imbestigasyon dahil walang iligalidad na ginagawa ang kanilang opisina.
“Wala naman tayong tinatago sa opisina ng City ENRO, ang aming opisina ay under of the office of the Mayor din, at lahat ng ikinikilos namin at otoridad namin ay nanggagaling doon sa otoridad na ibinibigay ng Mayor sa atin.
Ang pinakamaganda [r]oon kung iniisip nila ‘yon ang tamang paraan, we welcome that na maimbestigahan para magkaalaman din dahil wala naman kaming itinatago sa opisinang ito,” ayon kay Gomez.