Photo courtesy | Repetek News
Dagsa na ngayong araw ng Lunes, ika-6 ng Enero, taong 2025, sa City Hall ang mga negosyanteng magre-renew ng kanilang mga business permits sa lungsod ng Puerto Princesa.
Sa pamamagitan ng Business One Stop Shop o BOSS ng pamahalaang panlungsod, mas pinadali at mas pinabilis na ang pagkuha at pag-renew ng business permits.
Ang BOSS ay nagsimula nito lamang Enero 2 at magtatagal hanggang 20 ng nabanggit na buwan at sa pamamagitan lamang ng tatlong hakbang: Apply, Pay/Claim, at Release, ay makukuha na agad ang business permit.
Samantala, nag-extend naman ng kanilang office hours ang City Treasurer’s Office para mas maraming taxpayers ang kanilang ma-accommodate.
Maliban dito, maaari rin magbayad online at maging sa mga field stations na kinabibilangan ng PPC Old at New Public Market Office, City Health Office at Puerto Princesa Underground River Booking Office na pawang matatagpuan sa Mendoza Park.
Sa pakikipag-ugnayan ng Repetek sa City Treasurer’s Office, kinumpirma ng tanggapan na sa Enero 21 ay ibabalik na sa regular ang kanilang office hours na nagsisimula ng 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.