Photo courtesy | PIO Palawan

PUERTO PRINCESA CITY | Isang pagpupulong ang isinagawa ng mga opisyales ng Department of Health (DOH) at mga representante ng Pamahalaang Panlalawigan nitong Enero 24 na ginanap sa Governor’s Conference Room.

Ang naturang kaganapan ay pinangunahan ng mga kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan sa katauhan nina Provincial Administrator Atty. Jethro Palayon, Board Member Ryan Maminta, Provincial Health Officer Dr. Faye Labrador at Provincial Engineer Aireen Laguisma bilang mga representante ni Gobernador V. Dennis M. Socrates.

Habang mga opisyal naman sa panig ng DOH ang nakipagpulong sa pangunguna nina Assistant Secretary Dr. Ariel Valencia kasama sina DOH-MIMAROPA Regional Director Dr. Mario Baquilod, Director Max Adan, Engr. Ian Carlota, Dr. Peter Curameng ng DOH-Palawan, Ospital ng Palawan Chief-of-Hospital Dr. Melencio Dy at Dr. Audie Cipriano, Chief Medical Personnel Staff ng ONP.

Layon nito na talakayin ang isang proyekto ng DOH kasama ang Pamahalaang Panlalawigan ukol sa pagtatayo ng Multi-Specialty Center sa Brgy. Irawan, lungsod ng Puerto Princesa .

“Para sa tao ‘yan, ang plano dyan ay urgent care kaya lalagyan natin ng diagnostics, para ‘yung mga kababayan natin within the area mabibigyan ng healthcare service, may mga specialists din at equipment,” ani ASec. Valencia.

Naroon din sa pagpupulong si Atty. Gil Acosta Jr.

Ayon sa PIO Palawan, patuloy umano ang pagsasaayos ng mga dokumento para sa pagsasakatuparan ng nasabing proyekto.

Matatandaang, mayroon na ring ganitong kahalintulad na proyekto na kasalukuyang itinatayo sa Clark Freeport Zone sa Pampanga noong nakaraang taon na kung saan ay personal itong dinalaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at nangako ang Pangulo na itutuloy ang na-aaccess na kalidad ng mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa bawat Pilipino katuwang ang DOH.