Photo | Repetek News
PUERTO PRINCESA CITY — Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9175 o “An Act Regulating the Ownership, Possession, Sale, Importation and Use of Chainsaws, Penalizing Violations Thereof and for other purposes at ang Presidential Decree 705” ang dalawang residente ng bayan ng Narra, Palawan, makaraang mahuli sa akto ang pamumutol ng punongkahoy at paggamit ng illegal na chainsaw nitong Pebrero 12 sa Brgy. Princesa Urduja, nabanggit na bayan.
Matagumpay ang operasyon sa pamamagitan ng magkasanib-pwersa ng Bantay Palawan, 2nd SOU Maritime Group, MENRO Narra, at Narra Anti- Crime Task Force.
Sa ulat ng Provincial Information Office Palawan, nakumpiska sa mga suspek ang isang chainsaw at mga pinutol na punongkahoy na mahogany at bangkal na tinatayang nasa 137 board feet na nagkakahalaga ng P4,110.00.
Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga na ng MSBC-Narra MLET at Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) ang mga suspek pati na rin ang mga nakumpiskang kagamitan at mga kahoy.
Ang iligal na pagtotroso ay nagpapasama sa ecosystem ng kagubatan sa Pilipinas, na sumisira sa proteksiyon ng mga kagubatan.
Ang pagkasira ng mga kagubatan ay nagdudulot ng pagguho ng lupa at pagbaha pagkatapos ng malakas na pag-ulan dulot ng monsoon. Ang mga natural na kalamidad na ito ay humahantong sa malawakang pagkamatay ng mga mamamayan at pagkawala ng kabuhayan.