PHOTO | INFORMATION AND COMMUNICATION SECTION OF SAN VICENTE

Ni Vivian R. Bautista

AABOT sa dalawang libong (2,000) Family Food Packs ang ipinamahagi sa mga residente at mangingisda sa Bayan ng San Vicente, Palawan na ginanap noong ika-28 ng Hulyo taong kasalukuyan.

Ang nasabing donasyon ay handog ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at Lokal na Pamahalaang Bayan ng San Vicente na layon ay matulungan ang kanilang mamamayan na lubhang naapektuhan ng habagat na sanhi ng Bagyong ‘Egay’.

Ayon kay MSWD Officer Jennilyn Laro, naipamahagi ang 1,500 FFP sa mga lugar na lubhang nasalanta ng bagyo na kinabibilangan ng mga Barangay ng Poblacion, So. Casoyan, Pulang Bato, at Daplac, kasama rin dito ang mga sitios ng Brgy. Port Barton, So. Villapeña, Pagdanan, Albaguen, Capsalay, Cata, Barongbong, Mangingisda, Baybay Daraga, at mga kalapit na lugar.

Inaasahan din ang patuloy na pamamahagi ng karagdagang 500 food packs ngayong linggo.

Naisakatuparan ang nasabing pamamahagi sa pangunguna ng Opisina ng Municipal Social Welfare and Development (MSWDO), katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at pakikipagtulungan na rin ng San Vicente Municipal Police Station (SVMPS), Coast Guard, at mga opisyales ng barangay, batay sa ulat ng Information and Communication Section of San Vicente.

Tinuran ni Mayor Amy Roa Alvarez, na ang mga food packs ay naipamahagi matapos umanong isagawa ng opisina ng MSWDO ang masusing pagtatasa sa mga residente na labis na naapektuhan ng masamang panahon.

“Patuloy po nating o-obserbahan at titingnan ang kalagayan ng ating mga komunidad upang magawa ng ating Lokal na Pamahalaan ang makapagbigay ng pag-aalay sa mga nangangailangan nating kababayan,” ani Mayor Alvarez.

Pinasalamatan din ng Alkalde ang Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna nina Gob. V. Dennis M. Socrates at Bise-Gob. Leoncio N. Ola sa patuloy na suporta para sa naturang bayan.

Matatandaang, lubhang naapektuhan ng walang patid na pag-ulan na dala ng bagyong Egay ang iba’t ibang parte ng lalawigan na kung saan ay nakaranas ng pagbaha na nakaapekto rin sa hanapbuhay ng mga Palaweño.