Photo courtesy | PIA Palawan
PALAWAN, Philippines — Umani ng positibong komento ang katatapos lamang na International Dragon Boat Festival sa Puerto Princesa kaya naman buong pusong ipinagmalaki ni Punong Lungsod Lucilo Bayron na naging matagumpay ang naturang aktibidad.
“Ang masasabi ko, very successful ang ating international event na ito. Maraming kababayan natin ang alam ko nabigyan natin ng kasiyahan pati napakaraming mga paddlers ang natuwa rin. Maganda ang nasasabi nila lahat sa akin kaya masasabi ko na very successful itong International Dragon Boat Festival,” ang naging pahayag ni Bayron.
Binigyang-diin ng alkalde naka-project na ang Puerto Princesa sa sports tourism at ito ay mas pauunlarin pa sa paghahanap ng mga aktibidad na may ‘international flavor’.
Katunayan, ang World Table Tennis at Ironman ay muling isasagawa sa lungsod sa mga susunod na taon batay sa kumpirmasyon ni Bayron at nilalayon din na masungkit na muling isagawa sa lungsod ang naturang dragon boat race.
“Talagang naka-project na ang Puerto Princesa sa sports tourism at saka syempre hinahabol nating sports tourism ay yung mga “international flavor”– yung ating World Table Tennis tatlong taon gagawin, nakagawa na tayo one time so [mayroon] pa tayong April next year 2024, [mayroon] tayong 2025. Yung Ironman naman natin three years din ang usapan natin doon, ang ating contract nakadalawa na tayo so may isa pa…mukhang tuluy-tuloy pa [rin] na dito gagawin ang ating Ironman at ito namang ating international dragon boat mas malaki pa ito next year kung suswertehin tayo kasi yun na nga ang kailangan paghandaan natin hanapan natin ng mga sponsors at saka ng mga magpa-fund ng mga required facilities,” paliwanag pa ng Alkalde.
Ayon pa kay Bayron, malaki ang naitulong ng programang “Save the Puerto Princesa Bays” para muling mapanumbalik ang ganda at kalinisan ng mga baybayin ng lungsod.
Kaugnay nito, patuloy ang paghikayat ng alkalde sa mga mamamayan na makiisa sa iba’t ibang programa ng lungsod na may kinalaman sa paglilinis ng mga karagatan.
“Sa tingin ko, nakatulong yung [Save the Puerto Princesa Bays] plus yung mga successful events na [rito] ginanap namulat ang mata ng ating mga kababayan na maganda nga na maayos natin itong mga bay dahil papakinabangan ito ng mga salinlahi natin sa future,” aniya pa.