Mula sa simpleng pang-araw-araw na pinagkukunan ng masustansyang pagkain hanggang sa nagbibigay na ng karagdagang kita ang mga pananim na gulay para sa mga kalalakihang Persons Deprived of Liberty (PDLs) ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)-Narra District Jail (NDJ).
Patuloy na isinasagawa ng pamunuan ng BJMP-Narra ang Eco-Friendly Jail Program para madagdagan ang suplay ng masustansyang pagkain, at maibsan ang stress sa loob ng piitan.
Nakatutulong na ang mini-garden sa mga PDL na madagdagan ang kanilang pinagkakakitaan. Ayon kay Community Relations Service Officer, Jail Officer 2 Mary Rose Rosel na ang ilan sa mga naaning gulay ay kanilang ibinibenta sa mga kakilala bilang karagdagang kabuhayan ng mga PDL.
“Araw-araw ay araw ng pag-aani para sa amin dito sa BJMP-NDJ at ang aming mga ani mula sa vegetable gardening ay higit pa sa sapat upang madagdagan ang aming pang-araw-araw na pangangailangan, kaya’t nagbibigay sa aming mga PDL ng masustansyang gulay na kanilang karapat-dapat na tamasahin,” aniya.
Giit pa niya, “Ang ilan sa mga ito ay ibinebenta na namin sa aming mga kapitbahay, kaibigan, at stakeholders dahil ang mga simpleng pananim at gulay ay naging pinagkukunan na ng kanilang kabuhayan”.
Samantala, inaasahan ng BJMP Regional Office MIMAROPA na lalo pang mahikayat ang mga PDLs na magtanim ng gulay na makatutulong din sa kanilang kalusugan sa pamamagitan ng pagpapalawak ng programa sa iba pang piitan sa rehiyon.