PALAWAN, Philippines – Maliban sa eco tourism at sports tourism, pokus din ngayon ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Puerto Princesa ang MICE (meetings, incentives, conventions, events, exhibits).
Nitong nagdaang taong 2023, malaki ang naitulong ng MICE sa pagbangon ng turismo sa Puerto Princesa.
Ayon kay City Tourism Officer Demetrio Alvior, umabot sa 800 MICE ang isinagawa sa lungsod noong 2023 na nagdala ng halos 70,000 partisipanteng turista.
“Itong MICE isa sa pinakamalaking nadadala ng turista sa lungsod ng Puerto Princesa. Last year almost 800 mice events tayo sa Puerto Princesa converted into almost 70,000 participants o tourist.
Ito ang kagandahan pag MICE – may pera talaga itong mga turista na ito talagang gumagastos sa Puerto Princesa kaya talagang nakikita ni Mayor [Bayron] ang advantage nu’n kasi grupo parang sa sports din na talangang kapag dumarating grupo. Malakas ang nadadala niyang turista kaya mabilis itong nakadagdag sa ekonomiya ng lungsod,” pahayag ni Alvior.
Kaugnay nito, bilang paghahanda ng City Government tinututukan din ni Punong Lungsod Lucilo Bayron kung paano matutugunan ang pangangailangan ng mga turista lalo na’t ang siyudad ay kilala na sa paghohost ng mga malalaking aktibidad.
Aminado naman si Alvior na isa sa suliranin ang kawalan ng mga convention centers na kayang mag-accommodate ng libong mga turista at ang bagay na ito ay patuloy na inaaksyunan ng lokal na pamahalaan.
Aniya kung magkakaroon ng convention centers sa Puerto Princesa nangangahulugan din ito ng pagkakaroon ng mga karagdagang flights na lubos na makatutulong sa turismo.
“Problema talaga limited lang tayo sa 1,000 capacity ‘yung mga functions kaya kung makapagpapatayo na tayo ng mga convention centers lalaki din ang volume na darating at syempre karugtong niyan magkakaroon ng mga additional flights,” pahayag pa nito.