Pinagkalooban ng tulong pinansiyal ang limang (5) negosyante ng bigas sa pamilihang bayan ng lungsod ng Puerto Princesa nitong ika-20 ng Setyembre sa Atrium ng New Green City Hall.

Ang limang benepisyaryo ay kinilalang sina Edwin Ayco, Lorenzo Magpantay, Nenita Lim, Paquita Reyes, at si Jana Lois Viernes na unang grupo na nagbaba ng presyo ng kanilang itinitindang bigas sa pamilihan sa lungsod.

Ang bawat negosyanteng indibidwal ay nakatanggap ng halagang P15,000 cash aid matapos maapektuhan ng implementasyon ng Executive Order No. 39 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong buwan ng Agosto.

Ayon kay Puerto Princesa City Administrator Atty. Arnel M. Pedrosa, kinikilala niya ang pagkusa ng limang negosyante na magiging halimbawa sa pagtalima sa nasabing kautusan.

Kaugnay rito, nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga maliliit na negosyante sa tulong pinansiyal na kanilang natanggap mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Provincial Monitoring and Evaluation Officer Maria Theresa Donato.

Nagsagawa muna ng ebalwasyon ang mga kawani ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga negosyante sa Pamilihang Panlungsod nitong ika-5 hanggang ika-8 ng Setyembre upang makilala ang mga karapat-dapat na bigyan ng subsidiya.

Isinumite ng ahensya ang mga pangalan ng mga naapektuhang negosyante sa main office ng DTI at nakipag-ugnayan sa pamunuan ng DSWD para sa pagbibigay ng tulong pinansiyal.

Author