PHOTO//DSWD FIELD OFFICE MIMAROPA

Ni Ven Marck Botin

IPINAMAHAGI na ang unang batch ng mga gatas sa 3,716 ng mga batang benepisyaryo nito sa lalawigan ng Oriental Mindoro, ayon sa ulat ng Department of Social Welfare Development (DSWD) Field Office MIMAROPA Region.

Anila, sa panimulang implementasyon ng ika-12 cycle ng Milk Feeding Program, matagumpay na naipamahagi sa mga bata sa bayan ng Baco, Bansud, Bongabong, Bulalacao, Gloria, Victoria, at San Teodoro ng nabanggit na lalawigan.

Ang programa ay may kabuuang halaga na ₱8,472,480.00 para sa buong proyekto na nagsimula nitong ika-5 hanggang ika-9 ngbuwan ng Hunyo 2023.

“Kaakibat ng programa ang pag-monitor sa timbang at taas ng mga bata upang mabantayan ang pag-unlad sa kanilang kalusugang pang-nutrisyon. Ang gawaing ito ay masusing pinagtutulungan ng mga Child Development Workers, Barangay Nutrition Scholars at Barangay Health Workers,” saad ng ahensya.

Dagdag nila, ang programang ito ay proyekto “sa ilalim ng Supplementary Feeding Program (SFP) na naglalayong maiangat ang nutrisyunal na estado ng mga batang undernourished na naka-enroll sa mga Child Development Centers (CDCs) at Supervised Neighborhood Playgroups (SNPs)” sa Oriental Mindoro.

Anila, tatagal ang programa sa loob ng 120 araw.