MANINGNING, Puerto Princesa City — Ikinasa nitong ika-7 ng Pebrero 2024 ang Proyektong Mobile Kitchen na pansamantalang nagkakaloob ng ‘supplementary feeding’ para sa mga nasunugang residente ng Barangay Bagong Silang at Pagkakaisa na kasalukuyang nasa evacuation center.
Ayon sa City Information Office, naging posible ang proyekto sa pamamagitan ng inisyatiba ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa sa pangunguna ng City Nutrition Program, Oplan Linis, City Social Welfare and Development (CSWD), at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
Ang supplementary feeding program ay mayroon umanong cycle menu simula umaga, tanghali, at gabi (B,L,D) upang masigurong maibibigay sa mga naging biktima ng sunog ang mga kinakailangang nutrisyon.
Samantala, ito ay tatagal simula araw ng Lunes hanggang linggo at maaaring madagdagan pa base sa pangangailangan ng mga naging biktima ng sunog.
Ito rin ay isang centralized production ng pagkain kung saan ang mga pagkain ay lulutuin at ihahanda sa loob ng mobile kitchen upang mas mapadali ang distribusyon ng mga pagkain sa evacuation center.