Ni Vivian R. Bautista
ITINALAGANG bagong Honorary Consul ng bansang Denmark sa Pilipinas si G. Christian Eyde Moeller na mula sa Lionheart Farms na kasalukuyang naka-base sa lalawigan ng Palawan.
Ito ang unang pagkakataon na maglalagay ng honorary consul ang nasabing bansa sa Palawan na magmamarka bilang makasaysayang milyahe para sa Royal Danish Consulate.
Si G. Moeller ay isang mahusay na lider na may karanasan pagdating sa executive management at board sa parehong pampubliko at pribadong organisasyon sa Asya, Estados Unidos, at Europa kaya’t siya ang napili para sa nasabing posisyon.
Bilang Honorary Consul, kakatawanin ni Moeller ang Denmark pati na rin ang mga interes nito sa Palawan na nag-aalok ng mahahalagang serbisyo at suporta sa konsulado sa mga mamamayan at pagnenegosyo ng Demark sa rehiyon.
Kanya ring gagampanan ang isang mahalagang papel sa pagpapalakas ng kultura, pang-edukasyon, at pang-ekonomiyang pagpapalitan sa pagitan ng dalawang bansa, pagpapaunlad ng pagkakaunawaan at pagtutulungan ng isa’t isa.
Aktibo rin siyang makikipag-ugnayan sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga lider ng negosyo, at pati na rin sa mga miyembro ng komunidad upang isulong ang kulturang Danish, kalakalan, pagnenegosyo, at turismo sa lalawigan na bilang bahagi ng tungkulin nito sa konsulado.
Layunin ng Denmark na ibahagi ang kanilang kaalaman pagdating sa iba’t ibang sektor, kabilang na ang napapanatiling agrikultura at pangangalaga sa kapaligiran upang mag-ambag sa paglago at kaunlaran ng Palawan.
Kaugnay nito, Si Moeller ay Presidente at Chief Executive Officer (CE) ng kumpanyang Lionheart Farms, isang malaki at pinag-sama samang plantasyon ng niyog at pasilidad sa pagpoproseso sa Southern Palawan na nakatuon sa pag-aani at pagproseso ng niyog upang matustusan ang mga pandaigdigang pamilihan ng syrup, asukal, inumin at mga produktong pampalasa gaya ng aminos.
Ang Royal Danish Consulate sa Palawan ay isang diplomatikong misyon ng Denmark na nakatuon sa pagpapaunlad ng mga ugnayang bilateral, kalakalan, at pagpapalitan ng kultura sa pagitan ng Pilipinas at Denmark, batay sa ulat ng Royal Danish Consulate – Palawan.