Ni Vivian R. Bautista
Bilang tugon sa paglaganap ng African Swine Fever o ASF, pinaiigting ngayon ng pamunuan ng Puerto Princesa City Veterinary Office ang kanilang monitoring sa mga alagang baboy sa lungsod matapos magpositibo sa ASF ang isla ng Cocoro, sa bayan ng Magsaysay, Palawan.
Ayon kay City Veterinarian Dr. Indira A. Santiago, patuloy ang kanilang pagbabantay sa mga nasasakupan ng Puerto Princesa at karatig-lugar upang matiyak na ligtas ang mga alagang baboy sa lungsod.
Aniya, mahigpit na ipinagbabawal ng kanilang pamunuan ang pagpasok ng mga anumang uri ng produktong karneng baboy mula sa ibang bahagi ng Pilipinas na positibo sa African Swine Fever o kasama sa red and infected zones.
Hinihikayat din ng opisyal ang publiko na makipagtulungan sa kanilang isinasagawang pagsasawata upang hindi tuluyang makapasok ang naturang sakit.
Paliwanag pa ni Santiago, ang lungsod ng Puerto Princesa ang may pinakamataas na datos na nangangailangan ng karneng baboy sa buong lalawigan ng Palawan na umaabot umano sa mahigit 74,000 ulo ang kinakatay kada taon.
Aniya, malaki rin umano ang magiging impact kapag nakapasok ang naturang sakit sa sentro ng Palawan na tinatayang may 1.2 bilyong pisong halaga ang mawawala sa industriya ng hog farming sa lungsod.
Sinabi rin ng opisyal na wala rin umanong bakuna laban sa African Swine Fever.
Samantala, dalawang resolusyon ang inihain ni Konsehal Elgin Damasco na nagsasaad ng paglalagay ng mga check points sa mga hangganan ng lungsod upang mapananatiling ligtas ang lugar.
Kaugnay rito, una na ring iminungkahi ni Dr. Santiago na kabilang sa protocol ang pagkakaroon ng check-points sa mga boundaries ng Puerto Princesa upang masuri na ligtas ang mga ipinapasok na karne mula sa ibang karatig-bayan na may sertipikasyon ng Municipal Agriculture Office o MAO.
Aniya, nagkikipagtulungan din ang kanilang tanggapan sa pamunuan ng Provincial Veterinary (ProVet) Office at National Veterinary Quarantine Service na nakatalaga sa mga daungan at Paliparan.
Sa Pilipinas, ang ASF ay nananatiling pangunahing problema sa industriya ng pagbababoy dahil sa milyun-milyong mga baboy ang na-cull mula nang matukoy ang unang outbreak ng sakit noong taong 2019. Mula sa 81 probinsya sa bansa, 66 mga lalawigan ang kasalukuyang nakararanas ng outbreak.