Patuloy na pinaiigting ang isinasagawang monitoring ng mga kawani ng tanggapan ng City Social Welfare and Development (CSWD) para sa mga taong humihingi ng limos partikular ang mga Badjao sa lungsod ng Puerto Princesa.
Batay sa nakalap na impormasyon ng
Repetek News
, tumataas ang bilang ng mga taong namamalimos ng pera o humihingi ng pagkain sa ibang tao, at mga palabuy-laboy sa kalsada simula nitong nakalipas na buwan ng Oktubre, taong kasalukuyan.Dahil dito, nakatawag ito ng pansin sa CSWD partikular ang kaligtasan at kapakanan ng mga bata at mga sanggol na maaaring malagay sa panganib dahil sa pamamalimos sa mga kalsada.
Kaugnay nito, nagsasagawa ng monitoring ang mga kawani ng CSWD sa mga pangunahing kalsada ng lungsod kabilang ang kahabaan ng Rizal Avenue, Malvar Street, Junction 1 at 2 gayundin sa mga kalye na malapit sa mga kilalang shopping malls maging sa mga nasa fast food chains.
Katuwang naman ng CSWD sa naturang layunin ang mga kapulisan ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) at Anti-Crime Task Force upang protektahan ang mga bata at sanggol na nagiging biktima ng pagsasamantala sa pamamagitan ng pamamalimos.
Samantala, mahigpit na ipinagbabawal ang pamamalimos sa pampublikong lugar alinsunod sa Presidential Decree No. 1563 na mas kilalang Mendicancy Law.