
KOMBINASYON ng intelligence gathering at surveillance ang nagpabilis sa pagtugis sa itinuturing na rank no. 5 most wanted person sa Palawan.
Sa impormasyong ibinahagi ng Palawan Provincial Police Office (PPO), matagumpay na naaresto ang 34-taong gulang na most wanted person na kinilalang alyas “Toto” na residente ng Barangay Port Barton sa bayan ng San Vicente.
Sa pinaiigting na kampanya ng kapulisan kontra kriminalidad, natiklo ang binata sa ikinasang operasyon nitong ika-29 ng Mayo taong kasalukuyan, sa pamamagitan ng pinagsamang puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Palawan Provincial Field Unit (PFU) at San Vicente Municipal Police Station (MPS)-Palawan PPO.
Sa Barangay Port Barton din mismo nadakip ang nasabing indibidwal na pangingisda ang ikinabubuhay. Sumama ang wanted sa awtoridad sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Marso 29, 2025, ni Presiding Judge Emmanuel Quial Artazo, Fourth Judicial Region, Branch 14, Coron, Palawan.
Nahaharap siya sa kasong Qualified Rape of Minor sa ilalim ng Republic Act 8353 o Anti-Rape Law kaugnay ng Republic Act 11684, na walang piyansa na itinakda para sa kanyang kaso.
Matapos ang maingat na pag-track at pag-aresto sa lalaki, agad siyang dinala sa CIDG Palawan PFU para sa dokumentasyon at iba pang kaukulang legal na proseso.
Samantala, patuloy na hinihikayat ang publiko na makipagtulungan sa awtoridad upang mapanagot ang mga most wanted persons sa lalawigan para mapanatili ang seguridad at kaayusan sa komunidad.