Photo courtesy | PPC Tourism
Ni Marie F. Fulgarinas
PALAWAN, Philippines — Dumaong sa pantalan ng Lungsod ang panibagong cruise ship ng kumpanyang Holland American Line na MS Westerdam ngayong umaga, Miyerkules, Nobyembre 8.
Sa Facebook post, kinumpirma ng City Tourism Office ang pagdating ng cruise ship sa pantalan sa kabila ng makulimlim at maulang panahon. Malugod naman itong sinalubong ng mga kawani ng Puerto Princesa City Tourism Office kasama ang grupo ng City Choir at Banwa dancers.
Ayon sa lokal na ahensya, lulan ng cruise ship ang humigit-kumulang dalawanlibong (2,000) mga pasahero at crew members na nakatakdang mamasyal sa lungsod ngayong araw. Ito ang ikalawang pagdaong ng MS Westerdam sa pantalan ng Puerto Princesa ngayong taong 2023. Una itong dumaong buwan ng Marso lulan ang mahigit 1,800 na mga pasahero mula sa Europa at Amerika.
Kaugnay rito, masasaksihan ng mga bisita ang pagdiriwang ng Subaraw Biodiversity Festival 2023.