PUERTO PRINCESA CITY — Maliban sa Tabon Cave sa bayan ng Quezon, Palawan, isinusulong din ang Mount Mantalingahan na maging isang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) World Heritage Site.
Ayon kay UNESCO National Commission of the Philippines Secretary-General Dr. Ivan Anthony S. Henares, ang pagiging isang heritage site ay isang commitment sa global community na ang isang lugar ay pangangalagaan at poprotektahan para sa mga susunod na henerasyon.
“Yung isa pa pong malakas na nomination ng Palawan is yung Mount Mantalingahan pero s’yempre huwag natin kakalimutan ang world heritage commitment ng bansa ay pangangalagaan ito.
Ang issue natin sa Mantalingahan yung mining nga, paano natin mapapangalagaan kung [mayroon] tayong mining na nangyayari [roon],” puna ni Henares.
Aniya, napakahalaga rin ang suporta mula sa lokal na pamahalaan at komunidad dahil hindi umano uusad ang nominasyon kung wala ito.
“In fact, ang Mount Mantalingahan gusto na natin mapagalaw na rin ‘yan kasi isa ‘yan sa mga tingin natin makakapasok talaga sa world heritage list pero kailangan kasi may community ownership yung nomination hindi nanggagaling sa taas yung pagka-champion ng isang nomination, ‘yan ang naging isyu in the past years wala kasing ownership ng mga local government yung pagno-nominate ng mga sites,” dagdag pa nito.