PUERTO PRINCESA CITY — INAPRUBAHAN ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang inihaing petisyon ng National Power Corporation o NPC na itaas ang Subsidized Approved Generation Rate o SAGR sa Php7.3900/kWh.
Bilang resulta, apektado sa pagtaas ng singilin sa kuryente ang buong franchise area ng Palawan Electric Cooperative (Paleco) na binubuo ng Puerto Princesa City, Aborlan, Narra, Cuyo, Brooke’s Point, Magsaysay, Quezon, Roxas, Taytay, El Nido, Araceli, Balabac, Bataraza, Rizal, San Vicente, Sofronio Espanola, Agutaya, Dumaran, at Cagayancillo.
Ngayong buwan ng Abril, inaasahang ipatupad ang ikatlong pagtaas ng SAGR, matatandaan ang unang pagtaas nito sa halagang Php6.3693/kWh ay ipinatupad noong 2022, nasundan ito ng ikalawang pagtaas noong 2023 sa halagang Php 6.9520/kWh.
Ayon sa Paleco, bagama’t hindi pa nagsisimula ang ikatlong pagtaas ng SAGR ngayong buwan, muling nagpasa ng panibagong petisyon ang NPC na muling itaas ang SAGR sa mga NPC Small Power Utility Group (SPUG) areas tulad ng Palawan.
“Sa nasabing petisyon, itataas mula Php7.3900/kWh ang SAGR sa Php8.5982/kWh para sa mga residential connection at itataas naman mula Php7.3900/kWh ang SAGR sa Php10.0488/kWh para sa mga commercial/industrial connection,” batay sa inilabas na impormasyon ng kooperatiba.
Kaugnay nito, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Paleco sa mga lokal na pamahalaan at mga apektadong electric cooperatives upang tutulan ang nabanggit na petisyon.
Hinihikayat din ng pamunuan ang bawat Member-Consumer-Owner (MCO) na dumalo sa isasagawang public hearing sa Abril 11, ganap na ika-siyam ng umaga (9:00 AM) sa F. Ponce de Leon Gymnasium sa Paleco Main Office upang makiisa sa talakayan.
Ang Palawan bilang nasa SPUG area ay mayroong natatanggap na subsidiya mula sa Universal Charge for Missionary Electrification (UCME), bunsod nito tanging SAGR lamang ang sinisingil sa mga konsumidores.
“Halimbawa, kung ang TCGR sa isang IPP ng PALECO ay Php 18.00/kWh para sa buwan ng Marso 2024, tanging Php 6.9520/kWh o ang SAGR lamang ang sinisingil sa mga member-consumer ng kooperatiba sapagkat sagot naman ng UCME ang natitira rito alinsunod sa Republic Act No. 9136 o Electric Power Industry Reform Act (EPIRA),” pagbibigay halimbawa pa ng kooperatiba.