PUERTO PRINCESA CITY – MATAGUMPAY ang isinagawang Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA)sa West Philippine Sea (WPS) nitong Abril 7, 2024.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaisa ang mga bansang United States Indo-Pacific Command (USINDOPACOM), Australian Defense Force (ADF) at Japan Self-Defense Forces (JSDF).
Batay sa ulat ng Western Command, ito ang unang Multilateral Maritime Cooperative Activity ( MMCA) na isinagawa sa naturang karagatan kasama ang mga kaalyadong bansa.
Iba’t ibang mga sasakyang pandagat at panghimpapawid mula sa apat na bansa ang nagkaisa sa aktibidad na ginanap sa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ).
Kabilang sa mga nakiisang mga sasakyang pandagat ng bansang Pilipinas ay BRP Gregorio Del Pilar (PS15) na may AW109 helicopter, BRP Antonio Luna (FF151) na may AW159 Wildcat ASW helicopter, at BRP Valentin Diaz (PS177).
Naroon din ang USS Mobile at isang P-8A Poseidon mula sa United States Navy, Royal Australian Navy HMAS Warramunga at Royal Australian Air Force P-8A Poseidon Maritime Patrol Aircraft ng bansang Australia, at JS Akebono mula naman sa Japan Maritime Self-Defense Forces.
Ipinakita ng naturang aktibidad ang pangako ng mga kalahok na bansa na palakasin ang kooperasyong panrehiyon at internasyonal bilang suporta sa isang malaya at bukas na Indo-Pacific sa pamamagitan ng interoperability exercises sa maritime domain.
Ayon pa sa Western Command, malaki ang maitutulong nito sa pagpapaunlad ng kakayahan ng AFP pagdating sa komunikasyon, mga taktika o maneuver.
Ang mga ehersisyong ito ay idinisenyo upang mapahusay ang mga kakayahan ng iba’t ibang pwersa na epektibong magtulungan sa mga senaryo sa dagat.