Ni Vivian R. Bautista
NITONG ika-17 hanggang 21 ng Hulyo 2023, ginanap sa Sunlight Hotel, Lungsod ng Puerto Princesa ang Limang (5) araw na Municipal Training of Trainers o T0T para sa pagbabalangkas ng Barangay Development Plan o BDP.
Humigit-kumulang siyamnapu’t tatlong (93) kalahok ang nakiisa sa nasabing kaganapan na kinabibilangan ng Barangay Kapitan, Kalihim, at isang (1) kinatawan mula sa Civil Society Organizations (CSOs) o People’s Organizations (POs) na nagmula pa sa iba’t ibang barangay ng bayan ng Roxas, Palawan.
Naging matagumpay ang kaganapan sa pagtutulungan ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (DSWD KALAHI-CIDSS) na kinakatawan nina Engr. Marvin T. Trillana, EnP., Training Specialist IV; Ms. Jessica P. Andres, MMPA, Community Development Officer III, DILG; thru the Municipal Local Government Operations Officer IV, Anne Marie Salvie H. Ylagan.
Nilalayon ng MTOT na sanayin ang mga Barangay Officials at Community Stakeholders sa paggawa ng Barangay Development Plan bilang isang opisyal na dokumento ng barangay na tumutukoy at nagbibigay prayoridad ng mga pagpipilian pagdating sa patakaran, programa, proyekto, at aktibidad na nilalayon na mag-ambag tungo sa pagkamit ng vision ng barangay, pagsasama ng Community-Driven and Development (CDD) Approach sa participatory planning process.
Ito ay isang global na kinikilalang estratehikong diskarte na umaasa sa partisipasyon ng komunidad upang makamit ang makabuluhan at pangmatagalang pag-unlad sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga miyembro ng komunidad na tukuyin at bigyang-prayoridad ang mga isyu at problema ng lipunan para sa pagkamit ng paghahatid ng serbisyo, pagbabawas ng bilang ng kahirapan, at pagpapabuti ng pamamahala.
Matapos isagawa ang nasabing kaganapan, ang mga partisipanteng nakilahok dito ay magsasagawa naman ng parehong pagsasanay sa iba’t ibang barangay ng naturang bayan upang simulan ang BDP formulation na pinagsasama ang CDD approach at target din nito na matapos bago pa man magsimula ang Barangay election.
Kasama rin sa pagsasakatuparan ng aktibidad ang Lokal na Pamahalaan ng Roxas, Palawan sa pamumuno ni Mayor Dennis M. Sabando kasama ang Office of the Municipal Planning Development Coordinator sa pamumuno ni Engr. Nora P. Arzaga, EnP., bilang nangunguna sa departamento.