Photo courtesy | NCL

MULA Kota Kinabalu, Malaysia, ay naglalayag na patungo sa isa sa mga hiyas ng Pilipinas ang Puerto Princesa, na nakatakdang dumating ngayong araw ng Miyerkules simula alas diyes ng umaga ng ika-15 ng Enero, taong kasalukuyan.

Ito ang kauna-unahang paglalayag o maiden voyage sa pantalan ng lungsod ng MV Norwegian Sky ng Norwegian Cruise Line (NCL) Ben Line Agencies, na may kapasidad na magdala ng nasa 2,450 pasahero.

Sa pamamagitan ng pamamasyal, tutuklasin ng mga banyagang turista ang isa sa mga ipinagmamalaking top tourist destination ng bansa ang Puerto Princesa para sa mga bagong karanasan at sayang hatid ng iba’t ibang atraksyon ng lungsod tulad ng Honda Bay, Baker’s Hill, Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center, Balayong People’s Park, Puerto Princesa Baywalk, Plaza Cuartel, at marami pang iba.

Sa kasalukuyan, nananatiling kanselado ang tours sa Puerto Princesa Underground River (PPUR), batay sa pinakahuling abiso ng PPUR Management Office.

Ang MV Norwegian Sky ay ikatlong cruise ship na dadaong sa lungsod ngayong taon, at nakatakdang bumalik sa Pebrero 1 at Pebrero 16, 2025. Ito ay mayroong Gross Register Tonnage (GRT) na 77, 104 at may Length Overall (LOA) na 260.00m.

Ayon sa NCL, ang nasabing luxury cruise ship ay mayroong labing-isang nagagandahang dining facilities na nakakadagdag sa pagkakaroon ng magandang karananasan ng mga pasahero sa barko. Para naman sa mga nais magsaya habang naglalayag sa karagatan, ang cruise ship ay may labing-isang bagong bars and lounges.

Bukod dito, ang barko ay mayroong starbucks na swak na swak para sa mga coffee lovers na nais pagmasdan ang magagandang tanawin habang humihigop ng kanilang masarap na kape.

Samantala, magtatagal naman ang naturang barko ng hanggang alas sais ng gabi ng Enero 15, at nakatakdang bumiyahe patungong Boracay Island.

Author