Photo courtesy | Puerto Princesa Tourism Office
Ni Marie F. Fulgarinas
PALAWAN, Philippines – Mainit na sinalubong ng mga kawani at mananayaw ng City Tourism Department ang nasa 620 na pasahero at 500 crew na lulan ng MV Vasco Da Gama, ang kauna-unahang cruise vessel na dumaong sa lungsod ng Puerto Princesa ngayong taong 2024.
Galing ng bayan ng Coron, Palawan, ang nabanggit na cruise ship at pagkatapos ng kanilang pagdaong sa Puerto Princesa, maglalayag naman ito papuntang Tagbilaran, Bohol.
Ang Vasco da Gama, isang cruise ship na pinamamahalaan ng German cruise line Nicko Cruises. Ito ay taong 1993 nang makumpletong mabuo na dati nang naglayag sa ilalim ng pamamahala ng Holland America Line bilang MS Statendam.
Naglayag din ito sa ilalim ng P&O Cruises Australia bilang Pacific Eden at para sa Cruise & Maritime Voyages bilang Vasco da Gama.