Halos tuluyan nang mahulog sa butas ng ginagawang kalsada sa bahagi ng national highway sa Barangay San Pedro, Lungsod ng Puerto Princesa, ang isang Toyota Wigo nitong nakalipas na gabi ng Linggo, Agosto 17.
Mabilis namang rumesponde ang mga kapulisan ng City Police Office Station 1 (Mendoza) sa pinangyarihan ng insidente upang mag-imbestiga at magsagawa ng kaukulang pagmamando sa daloy ng trapiko.
Sa ulat ng PS1, walang ibang sakay ang nasabing sasakyan liban sa drayber nito na masuwerte namang hindi nasaktan.
Bahagyang bumigat ang trapiko dahil sa insidente ngunit naibalik din ng maayos ang daloy nito nang maialis ang sasakyan sa lugar.
Sa tala ng City Police Office, hindi lamang ito ang kauna-unahang pangyayari kung saan, sa katunayan umano, may isa ring sasakyan ang nahulog ‘di kalayuan sa lugar na pinangyarihan nito.
“[Dahil dumarami na naman ang naitatalang mga aksidente sa kalsada ng ating lungsod, lalo pa dahil sa mga ginagawang kalsada o road constructions, at dahil na rin sa tag-ulan—ang Puerto Princesa City Police Office (PPCPO)—is once again reminding everyone that road safety is everyone’s responsibility”.
“Hindi po natin alam kung kailan at saan mangyayari ang disgrasya, kaya’t mas mabuti na laging handa at maingat sa lahat ng oras”, ito pahayag ni Police Captain Bryan Rayoso, Police Information Officer ng Puerto Princesa City Police Office.
Paaalala pa ng opisyal, mag-ingat sa pagmamaneho pagdating sa lugar na kung saan ginagawa ang pagsasaayos ng daan at iba pang para maiwasan ang anumang aksidente.
“We urge every motorist, commuter, and even pedestrians to always observe discipline on the road,” saad ng opisyal.
Magdahan-dahan sa pagmamaneho, huwag magmadali, at laging unahin ang kaligtasan kaysa sa apurahan. Tandaan po natin: kahit gaano kaiksi ang oras na nais nating habulin, hindi ito mas mahalaga kaysa sa ating buhay at sa buhay ng iba,” dagdag pa nito.
“Ang bawat maliit na paglabag—katulad ng hindi pagsunod sa traffic signs, pagmamaneho ng mabilis, o ang pagiging mainitin ang ulo sa kalsada—ay maaaring magdulot ng malaking kapahamakan. Kaya naman ang PPCPO ay muling nananawagan: magpakita tayo ng pasensya, respeto, at disiplina sa lansangan.”
“Together, let us build a culture of safe and responsible driving in Puerto Princesa City. Sa ating pagtutulungan, maiiwasan natin ang aksidente, road rage, at makakamit natin ang mas ligtas na komunidad para sa lahat”, pahayag pa ni Rayoso.
Nanawagan din ang kapulisan sa mga contractors ng proyekto na dagdagan ang mga warning devices upang hindi na mauulit pa ang insidente na maaaring makaperwisyo sa buhay ng mga motorista at lagay ng trapiko.
via Rodolfo Idusora