MANINGNING, Puerto Princesa City —Pinangunahan ni Punong Bayan Dennis M. Sabando ang mga paghahanda sa nalalapit na pagdiriwang ng Panalaminan Festival, Casuy Festival, Founding Anniversary, at Pista Ng San Isidro Labrador ngayong taong 2024 — ang pinakamakulay at inaabangang gawaing kultural sa bayan ng Roxas, Palawan, ayon sa ulat ng lokal na pamahalaan.

Bilang bahagi ng paghahanda sa kapiyestahan, nagpatawag at nagsagawa ng sunod-sunod na pagpupulong si Sabando na pinangunahan ng mga kawani ng Municipal Tourism Office sa pamumuno ni Ginang Chona C. Camilla kasama ang Sangguniang Bayan members, sektor ng edukasyon, Barangay Council, Sangguniang Kabataan Council, pamunuan ng mga iba’t ibang departamento, lokal na ahensya, at mga kawani ng munisipyo.

Ayon sa ulat, tinalakay sa serye ng pagpupulong ang mga isasagawang kaganapan na nauugnay sa pinagsamang tradisyunal, makabagong palakasan at patimpalak na may kaugnayan sa kultura, tradisyon, at yaman ng Bayan ng Roxas.

Layunin umano ng kaganapan na makapaghatid ng saya at produktibong pagdiriwang sa isasagawang kapiyestahan.

Ayon dito, bumuo ang lokal na pamahalaan ng mga komite at pinag-usapan ang mga mungkahing patimpalak at iskedyul ng mga aktibidades sa kapiyestahan.

Tinalakay rin ang iba’t ibang programang handog ng pamahalaang lokal tulad ng Mutya Ng Roxas, Grand Parade, Street Dance,Motocross Competition, Bangkarera, at mga variety shows.