Photo courtesy |

Repetek News

Team

Bagaman mayroon nang Anti-Jaywalking Ordinance ang lungsod ng Puerto Princesa, hindi pa rin nasisimulan ng City Traffic Management Office (CTMO) ang mahigpit na implementasyon nito.

Ang kakulangan ng bilang ng mga tauhan sa kanilang hanay ang nakikitang dahilan ni Traffic Operations Officer Allan Mabella kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito naipatutupad.

Ani Mabella, maliban sa kakulangan ng tauhan, mahahaba ang kalsada sa siyudad at malalayo rin ang intersections nito.

“Sa totoo lang, mayroon tayong Jaywalking Ordinance, pero sa ngayon, napakahirap ipa-implement sa totoo lang, lalo ngayon sa kalsada natin na pagkahaba-haba at malalayo ang intersections natin.

Sa ngayon po kasi hindi pa kaya ng opisina namin na suplayan ang in between ng intersections na ‘yan para mag-monitor ng ating Jaywalking Ordinance. ‘Yun naman po talaga ang rason kung bakit hindi na-iimplement, kulang pa po kasi ang tao,” pahayag ng opisyal.

Ayon pa kay Mabella, ang tanggapan ng City Traffic Management ay binubuo lamang ng 155 personnel kung saan 96 dito ang mga traffic enforcers.

Aniya, kung maghihigpit sa naturang ordinansa kinakailangan ng mas maraming tauhan ang CTMO para sa monitoring at paghuli sa mga jaywalkers.

Layunin ng Anti-Jaywalking Ordinance na hindi magdulot ng abala sa trapiko ang mga pedestrians o mga taong tumatawid at upang maiwasan ang anumang uri ng aksidente sa kalsada.