Photo courtesy | Orlan Jabagat
PUERTO PRINCESA CITY – Muling nahalal bilang pangulo ng Liga ng mga Barangay ng lalawigan si Narra Association of Barangay Captains (ABC) President Ferdinand Zaballa nitong Biyernes, Enero 12.
Inihalal ng dalawampu’t isang (21) mga pangulo ng Liga ng mga Barangay ng iba’t ibang bayan ng Palawan si Zaballa na ginanap sa Victoriano J. Rodriguez Hall ng provincial capitol.
Hindi naman nakadalo sa nasabing pagtitipon ang ABC President ng bayan ng Culion dahil sa personal na kadahilanan habang wala namang ABC President ang bayan ng Linapacan dahil hindi pa nakapagsagawa ng eleksiyon ang mga barangay captains sa municipal level ng naturang bayan.
Samantala, wala namang naging katunggali sa pagkapangulo si Zaballa maging ang iba pang kumandidato sa iba pang posisyon.
Sa pagkakapanalo ni Zaballa, muli itong uupo bilang Ex-Officio member ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan.
Sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA) kay Zaballa, sinabi nitong sa loob ng halos dalawang (2) taong panunungkulan niya bilang board member, tututukan ng bokal ang usapin sa West Philippine Sea (WPS) at malnutrisyon sa Palawan.
Uupo naman bilang Liga ng mga Barangay Federation – Palawan Chapter Vice President si Roxas ABC President Mary Ann B. Catalan habang si Brooke’s Point ABC President Georjalyn Joy Ordinario Quiachon naman ang magsisilbing auditor ng nabanggit na asosasyon.
Dagdag dito, inihalal naman bilang Board of Directors sina ABC President Leonard Vincent C. Ayod ng bayan ng Quezon; Ricky C. Ballena ng El Nido; Ma. Teresa J. Casareno ng Coron; Eddie L. Catague ng bayan ng Bataraza; Danilo B. Cortez ng Aborlan; Jessie G. Galang ng Sofronio Española; Myrna D. Gozar ng bayan ng Taytay; at Merla A. Yayen ng Agutaya, Palawan.
Ayon pa sa ulat, pagkatapos isagawa ang naturang eleksiyon, agad na nagpulong ang mga bagong opisyales upang talakayin ang magiging aktibidad ng mga ito para sa taong 2024.
Samantala, pinangunahan naman ni Palawan Governor Victorino Dennis M. Socrates ang panunumpa ng mga bagong opisyales.