Photo Courtesy | Google

PUERTO PRINCESA CITY — Sa inilabas na Morbidity Week 13 ng Vector Borne Mimaropa nito lamang Abril 3, 2024, ang bayan ng Narra ang nakapagtala ng pinakamataas na kaso ng dengue sa lalawigan ng Palawan.

Batay sa datos, ang nabanggit na bayan ay nakapagtala ng 185 kaso ng dengue habang tatlo (3) ang naitalang namatay.

Sinundan ito ng munisipyo ng Taytay sa bilang na 128 at dalawang (2) nasawi, lungsod ng Puerto Princesa na mayroong 100 kaso ng dengue at dalawang (2) nasawi, at bayan ng Quezon sa bilang na 83.

Ang Dengue ay isang impeksyon na sanhi ng virus na dinadala ng lamok na tinatawag na Aedes aegypti. Ang virus ay naililipat sa tao sa pamamagitan ng kagat ng lamok.

Ang lamok na ito ay mayroong puti at itim na guhit sa katawan na kadalasang umaatake tuwing 6:00 nang umaga hanggang 8:00 nang umaga at 4:00 nang hapon hanggang 6:00 nang gabi.

Kaugnay nito, patuloy ang kanilang panawagan na tumalima sa 5S o ang Search and Destroy, Self-Protect, Seek Consultation, Support fogging in outbreak areas at Sustain Hydration dahil malaki ang maitutulong nito upang makaiwas sa Dengue.