Photo courtesy | PCO

Ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga mahihirap sa iba’t ibang lugar sa National Capital Region (NCR) at karatig-probinsya para hindi masayang ang higit-kumulang 588 libong kilos ng smuggled frozen mackerels na nakumpiska kamakailan ng Bureau of Customs (BOC).

Pinangasiwaan ni Marcos Jr. ang pamamahagi ng humigit-kumulang 28 libong kilos ng isdang tulingan sa Barangay 649 Baseco Port Area, Manila, kaninang umaga, Disyembre 14, na kung saan bawat kabahayan ay binigyan ng tag-dalawang kilong tulingan.

“Napakasayang naman nito [mga isda], na marami tayong [kababayang] mapapakain kaya’t idi-distribute natin sa inyo bilang pantulong sa inyo,” mensahe ni Pangulong Marcos Jr.

Paliwanag pa niya, “kapag may ganitong pangyayari [na smuggle activities] ang una naming iniisip ay kung paano namin gagamitin itong mga nahuli. Mayroon tayong bagong batas na Anti-Agricultural Sabotage Act, ibig-sabihin ginagawa natin ang lahat ng paraan upang pababain ang presyo ng pagkain. Ang problema kasi sa smuggling ang ginagawa nila ay ipinapasok nila [sa bansa] tapos iipitin, hindi ilalabas mag-aantay hanggang tumaas ang presyo at saka ipagbibili kaya’t iyon ang iniiwasan natin dahil ang nabibiktima [r]iyan ay ang taumbayan. Kaya hindi natin papayagan na matuloy ang mga ganiyang klase ng sistema.”

Samantala, ipinahayag ng Presidential Communications Office (PCO) na isang container van mula sa 21 nasamsam na van ng smuggled frozen mackerel na nagkakahalaga ng P178.5 milyon ang ipinamahagi sa 21,000 kabahayan sa nasabing barangay.

Matatandaan, nasamsam ng Inspectorate and Enforcement Office ng Department of Agriculture (DA) at BOC ang mga frozen mackerel matapos maharang ang mga kargamento sa Manila International Container Port (MICP) nitong buwan ng Oktubre, taong kasalukuyan, dahil sa kakulangan ng sanitary at phytosanitary clearances.

Ang mga smuggled na frozen mackerel ay ligtas kainin ng tao base sa kumpirmasyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) matapos isailalim sa laboratory test.

Dahil dito, iniutos ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pamamahagi sa mga komunidad na naapektuhan ng bagyo kabilang ang pinakamahihirap na barangay sa 17 Local Government Units ng Metro Manila, pati na rin sa isang LGU bawat isa sa Bulacan at Cavite.

Author