Photo courtesy | Cong. Jose Ch. Alvarez Facebook

Inilunsad ng National Electrification Administration o NEA ang ‘School Electrification Program for Unenergized Schools’ sa Diliman, Lungsod ng Quezon nitong ika-5 ng Pebrero, taong kasalukuyan.

Sinaksihan ni Palawan 2nd District Congressman Jose Ch. Alvarez ang paglagda ng kasunduan sa pagitan nina Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara at NEA Administrator Antonio Mariano C. Almeda.

Nilalayon ng proyekto na magbigay ng serbisyo ng kuryente sa mga walang kuryenteng paaralan sa bansa sa pamamagitan ng paglalagay ng line extension projects sa mga on-grid Schools habang renewable energy naman para sa off-grid schools.

Isinusulong din ng kasunduan ang pag-upgrade ng mga kasalukuyang electrical utilities para makapagbigay ng sapat na suplay ng kuryente sa mga paaralan.

Inihayag naman ni Alvarez na ang kaniyang pagdalo sa seremonyas ay layuning tiyakin na maisama ang lalawigan ng Palawan sa mga prayoridad na lugar ng proyekto.

Sa kasunduan, tungkulin ng DepEd na tukuyin at unahin ang mga paaralang nangangailangan ng elektripikasyon;
pagpapadali ng mga kinakailangang permit mula sa mga kinauukulang local government units; at pagbibigay ng counterpart logistical at financial support upang maisagawa ang proyekto.

Liban dito, magkakaloob naman ng teknikal na tulong ang mga electric cooperative (EC) na katuwang ng administrasyon sa paglalagay ng mga solar PV panel, pagsubaybay sa takbo ng proyekto, at pagsasagawa ng mga karagdagang pagsusuri upang matiyak na makumpleto ang proyektong ‘School Electrification Program for Unenergized Schools. ‘

Lubos naman ang pasasalamat ng Kongresista kina Almeda at Angara dahil sa pagtiyak nito na maisasama sa naturang proyekto ang mga paaralan sa Palawan.