PUERTO PRINCESA CITY, Philippines — Pinangunahan ni Palawan Governor Victorino Dennis M. Socrates at mga opisyal ng Provincial Information and Communications Technology (PICT) ang paglulunsad ng “new and improved” website ng Pamahalaang Panlalawigan, Lunes, ika-6 ng Nobyembre, 2023, sa gusaling Kapitolyo.

Ayon sa Palawan Provincial Information Office, mas mapapadali na umano ang pag-u-update ng mga nilalaman ng naturang website dahil na rin sa mas pinagandang feature nito.

Anila, mabibigyan ng pagkakataon ang iba’t ibang opisina na saklaw ng Pamahalawang Panlalawigan na direktang mag-upload ng kanilang mga content na siya namang susuriin at aaprubahan ng bubuuing Board of Editors.

Ginamit sa nasabing website ang web content management system na WordPress kung saan nakabatay rin ang layout nito sa Government Web Template na inirerekomenda ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga Local Government Unit (LGU).