PALAWAN, Philippines — Ngayong Linggo, sisimulan na ng lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa ang rehabilitasyon ng New Market Road, ayon kay City Information Officer Richard Ligad.
Ani Ligard, ang kalsadang ito ay pansamantalang gagawing “one way” upang bigyang-daan ang pagsasaayos.
“Marami ang nagrereklamo dahil sa pangit na kalsada. Ipapaayos na po ito ng city government. Hindi basta repair kundi “remove and replace”. Itong kalsada na ito ay tatanggalin at lalagyan ng drainage system sabay-sabay, so malaking trabaho po.
‘Yan ay magsisimula anytime this week, bago magsimula kailangan ma-inform ang public dahil sa nakikita niyo marami ang dumadaan dito sa kalsada. Magkakaroon tayo ng changes habang ginagawa ang kalsada na ito magiging one way muna itong kalsada na ito,” ani Ligad.
Ayon naman kay Traffic Operations Officer Allan Marbella ng City Traffic Management Office (CTMO), batay sa kanilang nabuong traffic scheme, ang magiging entrance sa New Market Road ay mula sa Seed Farm sa barangay Tiniguiban at ang exit ay sa Massway sa Barangay San Jose.
“Yung atin pong magiging entrance ay ito pong Seed Farm palabas po ito sa kabilang side doon sa Massway pansamantala hangga’t hindi pa buo ang gagawing pagbubungkal ng mga mag-aayos kalahati pa lamang ng New Market Road ang isasara hanggang doon sa exit ng New Market,” ani Marbella.
Kaugnay nito magbibigay rin sila ng dalawang konsiderasyon dahil sa pansamantalang pagpapatupad ng “one way”.
“Unang -una, pagdating ng hapon mas marami ang volume ng traffic kung ilalabas lahat ng sasakyan natin maaaring mapuruhan ang ating Tiniguiban highway. Secondly, lahat po ng papunta from North to South, meron pong alternatibong daan na pwede nilang daanan yung ating Pablico Kaakbayan Road. Kung manggagaling ka po ng North highway yun po ang gagamitin nating kalsada para makatawid po papuntang Tiniguiban at tutuloy po tayo dito sa Sta. Monica. So ngayon po yun ang magiging plano,” dagdag pa nito.