Photo courtesy | Bataraza Public Information
PUERTO PRINCESA CITY — Pormal nang nanumpa sa kani-kanilang mga tungkulin ang nasa 176 bagong halal na mga opisyales mula sa dalawampu’t dalawang (22) Barangay ng bayan ng Bataraza, Palawan, na ginanap sa Function Hall ng Town Center ng nabanggit na bayan nitong nakalipas na Lunes, Nobyembre 6.
Sa Facebook post, kinumpirma ng opisina ng Bataraza Public Information na nanumpa sa harap ni Bataraza Mayor Hj. Abraham M. Ibba ang mga nabanggit na newly-elected barangay officials.
Sa kaganapan, binigyang-diin ng alkalde na maaari na umanong magsimulang magserbisyo sa kani-kanilang mga nasasakupang barangay ang mga nahalal na opisyal.
Ani Ibba, kailangang pagsikapan ng mga ito na magtrabaho ng maayos at tapat, at bigyang-pansin ang kalinisan sa kani-kanilang mga barangay.
Ang oath-taking ceremony ay dinaluhan ng mga opisyal ng Sangguniang Bayan ng Bataraza sa pangunguna ni Municipal Vice Mayor Johnmain Jaafar, mga piling kinatawan mula sa mga ahensya ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Commission on Election (COMELEC), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at mga Department Heads at empleyado ng lokal na pamahalaan.