Photo Courtesy | PCSDS
PUERTO PRINCESA CITY – Nagkaloob ng donasyong kagamitan ang International Narcotics and Law Enforcement Affairs (INL)-United States Forest Service (USFS) sa tanggapan ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) nitong Enero 22.
Ang mga donasyon ay kinabibilangan ng tatlong (3) ‘Starlink Satellite units’, isang internet constellation na nagbibigay ng high-speed internet connectivity na puwedeng ma-access kahit pa sa pinakamalayong lugar sa Palawan.
Ayon sa PCSD, layon ng nasabing tulong na mas mapahusay pa ang koneksyon at komunikasyon at susuportahan umano nito ang PCSDS sa matagumpay na mga gagawing imbestigasyon at pag-uusig ng mga nangyayaring krimen at kaso sa kapaligiran.
Makatutulong din umano ito sa pagpapalakas ng kapasidad nitong institusyonal sa pamamagitan ng paghahatid ng mga serbisyo ng gobyerno para sa mga kliyente nito.
Sa kabilang banda, nagpahayag naman ng kanyang pasasalamat para sa mga nasabing donasyon si Atty. Teodoro Jose S. Matta, MNSA PCSDS Executive Director at binigyan-diin ng direktor ang ukol sa pagpapahalaga sa matibay na pagtutulungan dahil ang pangangalaga sa kapaligiran ang tanging hangarin sa pakikipagtulungan ng mga stakeholder.
Alinsunod sa pangako nito, ang INL-USFS ay nagbibigay ng teknikal na kadalubhasaan upang tulungan ang PCSD sa paglaban sa iligal na pagtotroso, wildlife poaching, at iligal na trafficking ng mga produktong kagubatan at wildlife.
Sa ganitong uri ng kagamitan ay mapapalakas umano ang mga operasyon ng PCSDS Wildlife Enforcement Section, paggamit ng ‘Sumbong App’ at Palawan Environmental Enforcement Network (PALAWEEN) pati na rin ang paghawak at disposisyon ng mga kaso ng Legal Services Section (LSS) sa pamamagitan ng kanilang Case Management System (CMS), ayon sa PCSD.
Samantala, ang kaganapang ito ay isa lamang sa maraming mahahalagang milyahe sa ibinahaging pananaw ng US-Philippines sa pangangalaga at pangangalaga sa kapaligiran.