Target ng City Solid Waste Management Office (CSWMO) na muling ipatupad ngayong taon ang polisiyang “No Segregation, No Collection” ng mga basura.
Ayon kay Special Operations Officer 1 Jakiri Illescas, ang polisiyang ito ay bilang pagtalima sa Republic Act 9003 o mas kilala sa “The Ecological Solid Waste Management Act of 2000”.
Aniya, nitong taong 2024 katuwang ang United States Agency for International Development- Clean Cities, Blue Ocean (USAID CCBO) ay magsasagawa ng Social Behavioral Changes (SBC) sa mga barangay para turuan ang mga residente nang tamang pag-segregate ng basura.
Ang “No Segregation, No Collection Policy” ay planong unang ipatupad ng CSWMO sa limang barangay ng lungsod.
“This 2025 po sa tulong ng USAID CCBO magka-conduct po ulit ng Social Behavioral Changes at magkakaroon po kami ng pilot barangays lang.
Uumpisahan po namin yung “No Segregation at No Collection Policy sa limang barangay lang po muna. Nu’ng unang ipinatupad po hindi kinaya, kaya ngayon magpa-pilot barangay lang. Magsisimula sa lima o tatlo kung kinakailangan. By this year po sana, ‘yan ang aming target,” pahayag ni Illescas.
Mayroong apat na klase ng basura na kailangang i-segregate: hazardous, residual, recyclable, at biodegradable.
Kung maipatutupad ngayong taon ang naturang polisiya, makakabawas ito sa tambak ng basura na inilalagak sa Sanitary Landfill ng siyudad lalo na’t naabot na rin ang sampung taon nitong life span.
Samantala, batay sa datos ng CSWMO aabot sa mahigit 180 tonelada ng basura ang kanilang nakokolekta araw-araw sa lungsod.