Photo Courtesy | Repetek News
PUERTO PRINCESA CITY — Naging mabagal ang pag-usad ng nominasyon ng Tabon Cave Complex sa Quezon, Palawan na mapabilang sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) World Heritage Site.
Taong 2006 pa umano ito naisama sa tentative list ngunit magpahanggang ngayon ay nakabinbin pa rin ang nominasyon nito dahil sa kakulangan ng dokumento.
Sa panayam ng lokal na midya kay UNESCO National Commission of the Philippines Secretary-General Dr. Ivan Anthony S. Henares, naantala ang nominasyon ng Tabon Cave dahil sa kawalan ng certificate of non-overlap na manggagaling sa National Commission on Indigenous People o NCIP.
“At the moment, [mayroon] kasing ‘claim’ ang indigenous people [r]ito sa mismong property ng Tabon Cave at iba’t ibang lugar sa municipality of Quezon, Palawan. So ito ngayon ang pinag-uusapan. Hindi maisyu ng NCIP ang certificate of non-overlap dahil nga may claims dito.
Dapat ngayong araw, February 1, 2024 ang deadline every year. Dapat dala-dala na namin yung nomination ng Tabon [Cave] kaya lang ‘di natin madala dahil kulang ng dokumento na kailangan na naka-attach sa nomination,” ani Henares.
Binigyang-diin nito na upang maresolba ang usapin kinakailangan ng masinsinang pag-uusap sa pagitan ng provincial government, munisipyo ng Quezon, NCIP at ng National Museum.
Pagbabahagi nito sa kanilang naging pag-uusap ng NCIP, isa sa napag-uusapan ang pag-iisyu ng certificate of non-overlap o pagkakaroon ng co-management sa naturang site ngunit binigyang-diin ng opisyal bilang isang UNESCO national commission ay hindi sila mangingialam ngunit nakahandang gumabay kung anuman ang magiging resulta ng pag-uusap ng mga ahensya.
Umaasa naman ito na mas mapabilis ang pagbibigay solusyon sa usapin dahil ang sertipikasyon na lamang ang kulang upang maipasa ang nominasyon ng Tabon Cave.
“Hopefully 2026 maisalang siya pero yun nga ay nakadepende sa pag-resolve ng issues within the municipality of Quezon.
This is a community issue hindi kami mangingialam diyan. This is something that has to be solved within the municipality and of course with the national museum and the NCIP,” ayon pa kay Henares.