PALAWAN, Philippines — PLANO ng Puerto Princesa City Water District (PPCWD) na mas palawigin pa ang kanilang transmission line para maabot ng kanilang serbisyo ang mga barangay partikular sa bahaging norte ng lungsod.
Ayon kay PPCWD General Walter P. Laurel, maglaaan sila ng 341 milyong piso para sa karagdagang 19.28km transmission line mula sa barangay Irawan, Sta.Lourdes, Tagburos, San Jose, San Manuel hanggang San Pedro. Ito ay sa ilalim ng Water Supply Improvement and Expansion Project (WSIEP).
“We are planning to extend yung ating transmission line. At the moment, naka-focus ang ating mga transmission line sa mga southern barangays [like] Sicsican, Tiniguiban, Sta. Monica.
This project will address yung aming current problem dito sa mga northern barangays na mahirap abutin ng tubig. This new transmission line will be provided by water security because at the moment our main transmission line is passing through Sicsican [and] Sta. Monica — once this line is broken there will no water in the city proper. This diversion pipeline will enhance the security of our water supply,” ani Laurel.
Kaugnay nito, humihingi ang City Water District ng endorsement mula sa Sangguniang Panlungsod para ang proyekto ay maisyuhan ng SEP Clearance na manggagaling sa Palawan Council for Sustainable Development o PCSD at Environmental Compliance Certificate (ECC) mula naman sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ayon pa kay Laurel, ang pondo nito ay mula sa 500 milyong piso na loan ng water district sa DBP at BPI, ang matitira rito ay kanilang ilalaan naman para sa iba pang proyekto partikular sa mga barangay ng Bacungan, Mangingisda at iba pa.
Binigyang-diin nito na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para makumpleto ang mga hinihinging kaukulang dokumento dahil target nilang simulan na ang bagong transmission line sa susunod na linggo upang mas mapabuti pa ang pagbibigay ng serbisyong patubig sa mga mamamayan ng lungsod.
Dagdag pa nito, ang malaking matitipid ng water district sa operasyon kapag naisakatuparan ang proyektong ito.
Nangako naman si Laurel na sa kabila ng pagkakautang ay hindi magtataas ang singil sa tubig sa susunod na labinlimang taon.
“All these loans will finance this project pero ang sabi namin we will not be implementing water rate increase in the next 15 years kasi nakikita namin na kayang isustain ng ating income yung ating bayarin sa utang, so walang pagbabago sa ating operation,” paglilinaw pa nito.