(Photo courtesy | Western Command (WESCOM) of the Armed Forces of the Philippines)
PUERTO PTINCESA CITY – Upang masuri ang kasalukuyang sitwasyon ng Karagatang Kanluran ng Pilipinas, bumisita si National Security Adviser at Chairperson ng National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) Secretary Eduardo Año sa Pag-asa, Palawan, nitong Disyembre 1, 2023.
Kasama ng kalihim ang iba pang miyembro ng NTF-WPS at mga tauhan nito upang suriin ang mga kasalukuyang proyekto at pasilidad sa Pag-asa Island at bayan ng Kalayaan.
Siniyasat ni Año, ang mga pangunahing pasilidad na kumakatawan sa mahalagang papel nito sa pagtiyak ng proteksyon sa rehiyon.
Kasunod nito, tinungo ng grupo ang Punong Tanggapan ng Western Command (WESCOM) sa Lungsod ng Puerto Princesa kung saan malugod naman silang tinanggap ni WESCOM Chief at Commander of Area Task Force (ATF) West, Vice Admiral Alberto Carlos, na sinundan ng pagpupulong sa Command’s Rizal Reef Hall.
Ayon sa WESCOM, ang pagbisita ni Sec. Año sa Pag-asa Island at pakikipagpulong ng pamunuan ng NTF-WPS sa WESCOM ay nagpapakita ng matatag na pangako ng pamahalaan na higit pang palakasin ang mga pagsisikap tungo sa pangangalaga sa pambansang seguridad at interes ng bansa.
Sa pagpupulong, dumalo ang mga kilalang personalidad gaya nina Secretary Andres Centino, Presidential Assistant on Maritime Concerns; Director General Joel Joseph Marciano mula sa Philippine Space Agency (PhilSA); Palawan Governor Victorino Dennis Socrates; Undersecretary Ceferino Rodolfo mula sa Department of Trade and Industry (DTI); Undersecretary Elmer Francisco Sarmiento mula sa Department of Transportation (DOTr).
Naroon din sina Undersecretary Giovanni Carlo Bacordo mula sa Department of Energy (DOE), Deputy Director General Nestor Herico mula sa National Security Council (NSC), PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gil Gavan, pinuno ng Northern Luzon Command (NOLCOM) at Commander ng Area Task Force (ATF) North, Lt. General Fernyl Buca, at iba pa.
Samantala, nagbigay-pugay rin ang kalihim sa bagong tayong pasilidad na proyekto ng Philippine Coast Guard (PCG) sa nasabing Isla.