Photo courtesy | Samuel Macmac
MULA sa 800 paaralan sa Palawan, nasa 369 mga off-grid schools o mga paaralan na matatagpuan sa mga lugar na walang access sa pangunahing suplay ng kuryente ang inaasahang mapagkakalooban ng solar photovoltaic systems.
Sa pamamagitan ng panukalang resolusyon, lubos na sinusuportahan ni Board Member Ryan D. Maminta ang installation ng mga solar photovoltaic system para sa mga off-grid schools sa lalawigan ng Palawan.
Kabilang sa mga natukoy na magiging benepisyaryo ng solar energization program ang mga paaralan na nasa malalayo o liblib na lugar tulad ng mga munisipyo ng Aborlan, Agutaya, Araceli, Balabac, Bataraza, Brooke’s Point, Cagayancillo, Dumaran, El Nido, Narra, Magsaysay, Quezon, Rizal, Roxas, San Vicente, Sofronio Española, at Taytay.
Matatandaan, lumagda ang Department of Education (DepEd) sa pangunguna ni Secretary Juan Edgardo “Sonny” M. Angara at National Electrification Administration (NEA) sa pangunguna ni Administrator Antonio Mariano Almeda sa Memorandum of Agreement (MOA) na magsisilbing ilaw ng pag-asa ng mga estudyante na nag-aaral sa mga paaralan na nasa malalayong lugar sa bansa na mahirap ang pag-access sa mga pangunahing serbisyo.
Hangarin ng proyektong ito na mapabuti ang kalidad ng edukasyon ng bawat bata kahit gaano kalayo.
Base naman sa Kagawaran ng Edukasyon, maaaring pondohan ang inisyatibang ito sa pamamagitan ng mga alokasyon ng gobyerno, grant, o iba pang mekanismo. Maaaring magsimula ng karagdagang suporta sa mga electric cooperatives, mga yunit na lokal na pamahalaan, at sa pakikipagtulungan ng mga pribadong sektor.