Ni Vivian R. Bautista
GAGAWING museo sa susunod na mga buwan ang “old governor’s residence” ang gusaling dating tirahan ng naging gobernador ng lalawigan ng Palawan, batay sa ulat ng Provincial Information Office.
Ayon sa tanggapan, sa pagnanais ng Pamahalaang Panlalawigan na maitaguyod ang “sense of history”, gagawing museo ang gusali upang isulong ang kultura’t tradisyon, at maipapakita ang kasaysayan at kahalagahan ng apat-na-daang (400) taon ng Kristiyanismo sa lalawigan.
Sinabing nakaplanong magkakaroon din ng landscape at coffee shop ang compound na tiyak dagdag atraksyon sa mga tutungong turista sa lugar.
Photo//Palawan Provincial Engineering Office (PEO)
Ang Old Governor’s Residence ay nagsilbing tahanan ng pamilya ni Gob. Socrates noong 1968 hanggang 1986 sa panahon ng panunungkulan ni dating Gobernador Salvador “Badong” Socrates, na matatagpuan malapit sa Immaculate Conception Cathedral sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Ang Phase 1 ng proyekto ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang walong (milyong piso na una nang sinimulan nitong buwan ng Hunyo at inaasahang magbubukas sa darating na ika-13 ng Disyembre, ngayong taon.
Sa unang naging State of the Province Address (SOPA) ni Gobernador Victorino Dennis M. Socrates, binanggit ng gobernador noon ang planong pagpapanumbalik ng makasaysayang “Old Governor’s Residence”.