(Kuhang-larawan / US Embassy to the Philippines)
INILUNSAD ng United States Agency for International Development (USAID) ang isang ‘first-of-its-kind’ electronic commerce platform upang palawakin ang market reach ng Luzon-based farmer-traders at palakasin ang agricultural supply chain ng bansang Pilipinas.
Ayon sa ulat ng US Embassy to the Philippines, ang online platform ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal Inc. o NVAT Fresh Online Platform ay direktang pinamamahalaan ng Luzon-based agricultural Hub, isang business-to-business o B2B online platform, na layuning maglathala ng mga ani ng mga magsasaka na magkokonekta sa malalaking negosyo gaya ng mga supermarket, food processing, kumpanya, at restaurant chain.
Dagdag dito, ang online platform ay maaaring gamitin ng mga magsasaka sa pantay-pantay na presyo at kita sa produkto, at makapagbigay ng sariwa at abot-kayang ani sa mga mamimili.
Ang proyekto ay nagkakahalaga ng isang (1) bilyong piso para sa pagpapalakas ng market linkage mula sa mga magsasaka, negosyo, at mamimili.
Ang NVAT Fresh Online ay inaasahang mapabilis ang pagbebenta ng limanlibong (5,000) toneladang ani na katumbas ng tatlong (3) porsiyentong kabuuang dami ng mga produkto ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal Inc.
Samantala, binigyang-diin ni USAID Philippines Deputy Mission Director Rebekah Eubanks ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga magsasaka sa pagkamit sa ingklusibo at matatag na paglago ng ekonomiya.
“As your partner in prosperity, the United States remains committed to supporting the Philippines in advancing digitalization to help improve the lives of farmers and agricultural traders, and more importantly, enhance the country’s food security,” saad ng opisyal.
“Thank you, USAID, for heeding our call. To say that NVAT is a trailblazer is an understatement. The birth of NVAT Fresh is a significant accomplishment,” pasasalamat naman ni Department of Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual kaugnay sa paglulunsad ng online platform.
Sinabi rin ni Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo F. Panganiban ang positibong epekto sa lipunan ng mga platform gaya ng NVAT Fresh Online sa mga magsasaka.
Ang pinaka-kapansin-pansing tampok sa pag-unlad sa agrikultura ngayon ay mabilis ang pagtaas ng paggamit ng teknolohiyang pang-impormasyon na makatutulong sa pantay-pantay na pagtalima sa presyo at iba pa.
Layunin ng USAID na palawakin ang digital transformation sa iba pang komunidad ng agrikultura at pagsasaka sa bansa.
Ang NVAT ay kabilang sa pinakamalawak na wholesale market sa Pilipinas para sa sariwang ani na naghahatid ng 60 porsiyentong sariwang prutas at gulay sa Metro Manila at Central Luzon.
Bilang isang pivotal hub, namamahagi ito ng mga produktong galing sa iba’t ibang probinsya kabilang ang Benguet, Ifugao, at Pangasinan.