Photo courtesy | PPCPO

Dahil sa sunud-sunod na naitatalang mga aksidente sa kalsada, ikinasa ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang oplan sita sa mga pangunahing lansangan ng lungsod partikular south at north national highway simula nitong unang linggo ng buwan ng Enero, taong kasalukuyan.

Ayon kay Police Captain Bryan Rayoso, tagapagsalita ng City Police Office, layunin ng oplan sita na masiguro ang kaligtasan ng mga motorista mula sa anumang uri ng aksidente sa kalsada. Aniya, umabot na sa labindalawang (12) disgrasya ang naitala ng kanilang tanggapan.

Ilan sa mga ipinatutupad na alituntunin ng kapulisan ang pagsusuot ng standard protective helmet para sa mga nakamotorsiklo habang seat belt naman para sa mga nasa four-wheeled vehicles.

Kailangan ding tiyakin na nasa maayos na kondisyon ang mga gulong ng sasakyan at iwasan ang pagmamaneho habang nasa ilalim ng impluwensya ng alak upang maiwasan ang anumang uri ng aksidente.

Ayon pa sa datos ng ahensya, nagtamo ng malubhang pinsala ang mga nasasangkot sa aksidente sa kalsada. Mayroon ding mga minor accidents na hindi na naiulat sa kanilang tanggapan dahil agad na nagkasundo ang magkabilang-panig na sangkot dito.

Author