Ni Marie Fulgarinas
PUERTO PRINCESA CITY — Inaprubahan ni Municipal Mayor Amy Roa Alvarez ang ordinansang magbibigay ng 500 pisong monthly educational cash assistance sa mga estudyante ng Palawan State University (PalawanSU) sa bayan ng San Vicente nitong Lunes, Hulyo 15.
Kinumpirma ito ng Sangguniang Bayan na nilagdaan na ng alkalde ang nasabing ordinansang magbibigay ng legal na batayan sa tanggapan ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD) para sa implementasyon ng cash assistance sa mga indigent students ng nasabing munisipalidad.
Inihayag din ng konseho na may inisyal na 1 milyong pisong budget para sa implementasyon ng programa na kung saan nakikitang solusyon ng lokal ng pamahalaan para sa kabawasan ng financial burden ng mga estudyante sa lugar.
Siniguro naman ng tanggapan ng Municipal Mayor sa pamamagitan ng Municipal Budget Office na handa ang Local Government unit na magpasa ng supplemental budget sa oras na kakailanganin ang karagdagang pondo para rito.
Samantala, inaasahan naman ng lokal na pamahalaan na mas maraming Kabataang San Vicentehanon ang mahihimok na magpatuloy sa pag-aaral at sisikaping walang bagsak na grado sa anumang subject para maging kwalipikadong benepisyaryo ng programa.