Ni Vivian R. Bautista
NAGSAGAWA ng oryentasyon kaugnay sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023 ang Provincial Legal Office (PLO) ng Palawan sa ilalim ng Provincial Legal Extension Services Program o PLESP, nitong ika-16 ngayong buwan ng Agosto sa VJR Hall ng gusaling kapitolyo.
Tinalakay sa oryentasyon ang Resolusyon Bilang 10944 ng isinapubliko ng Commission on Elections o COMELEC kung saan naglalaman ng mga panuntunan kaugnay sa paggamit ng pampublikong pondo ng gobyerno para sa social welfare projects at public works na maaapektuhan ng election ban.
Naroon sa kaganapan ang ilang department heads at empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan na pinangasiwaan sa pangunguna ni Provincial Legal Officer Atty. Joshua Bolusa kasama sina Atty. Mary Joy Cascara, Atty. Gillian Baaco, Atty. Vicente Escala, at Atty. Ariel Abis.
Kaugnay sa nabanggit na usapin, ipinaliwanag ang ilang ipinagbabawal na gawain sa panahon ng eleksyon sa ilalim ng Omnibus Election Code kabilang na ang pagbili ng boto at pagbebenta ng boto, pagsasabwatan upang suhulan ang mga botante, pagtaya sa resulta ng halalan, pamimilit sa mga nasasakupan, mga banta, pananakot, terorismo, paggamit ng mga dahas, at iba pa na may kugnayan sa iligal na Gawain.