Photo courtesy | WESCOM
PUERTO PRINCESA CITY — Nagsagawa ng dalawang (2) araw na outreach program ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (WESCOM) sa Barangay Catagupan, bayan ng Balabac na sinimulan nitong Nobyembre 28, taong 2023.
Sa Facebook post, ibinahagi ng Wescom ang mga aktibidad ng Civil-Military Operations (CMO) sa liblib na barangay ng nabanggit na munisipalidad.
Nagkaloob ng libreng serbisyong medikal checkup, dental checkup, eye checkup, circumcision services para sa mga batang kalalakihan, gupit, Philippine Identification System (PhilSys) registration, at iba pa.
“Alinsunod sa aming layunin ng pagbuo ng tiwala at pagpapaunlad ng pangmatagalang relasyon sa mga komunidad, ang outreach program na ito ay hindi lamang tungkol sa pagbibigay ng agarang tulong kundi tungkol din sa paggawa ng pangmatagalang epekto,” ani Lt. Colonel Isagani Nato, Civil Military Operations (CMO) WESCOM Officer na nakiisa sa mga volunteers sa nasabing outreach program.
Aniya, sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga residente ng Balabac, layunin nilang lumikha ng pagkakaisa at pagtutulungan. Naniniwala umano sila na sa pamamagitan ng pagbibigay-kapangyarihan sa mga komunidad at pagtugon sa kanilang mga pangangailangan, maaari umano silang bumuo ng mas matibay na pundasyon para sa kapayapaan at kaunlaran.”
Samantala, naging posible rin ang nasabing aktibidad sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang government agencies at non-government organizations gaya ng Local Government Unit (LGU) ng Balabac, Office of Provincial Agriculture, National Commission on Indigenous People (NCIP), Philippine Statistics Authority (PSA), PAFCPIC, KIWANIS Infinity, at KIWANIS Puerto Princesa, Citizens Crime Watch Palawan, YWAM Ships PH, at Palawan Eye (Dr. Ong Clinic).
Higit pa rito, hinahangad ng Western Command ang inisyatiba na makakuha ng suporta mula sa komunidad para sa pagtatatag ng isang site ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa Balabac.
Anila, magkakaroon umano ito ng positibong epekto sa mga pagsisikap ng WESCOM sa kanilang programa na External Security Operations (ESO) gayundin sa kanilang kampanya sa West Philippine Sea (WPS).
“Sa pakikipagtulungan sa mga residente ng Balabac, layunin namin na hindi lamang palakasin ang aming mga pagsusumikap sa kontra-insurhensya ngunit mag-ambag din sa mas malawak na layunin ng pambansang seguridad,” dagdag ni Lt. Colonel Nato.
Naglalayon ang pamunuan ng Wescom na malampasan ang iba’t ibang hamon sa seguridad at makamit ang napapanatiling pag-unlad sa lalawigan ng Palawan.
Dagdag dito, ang dalawang araw na aktibidad ay nagpatibay ng suporta upang mapanatili ang mga tagumpay sa mga pagsusumikap sa kontra-insurhensya habang naglalayong makamit ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa Joint Operations Area (JOA) ng WESCOM. Ang hakbangin na ito ay kasabay ng nalalapit na 88th Founding Anniversary ng AFP sa darating na Disyembre.