Photo Courtesy | CPO Myla Tiu PN/WESCOM

PUERTO PRINCESA CITY – NAGKALOOB ng mga libreng serbisyo para sa mga mamamayan sa isla ng Pag-asa ang ‘Outstanding Filipinos’ ng Metrobank nitong Abril 20, 2024.

Batay sa ulat, nagtipon-tipon ang Metrobank’s recipients ng Search for Outstanding Teachers (SOT), Ten Outstanding Philippine Soldiers (TOPS), at Country’s Outstanding Police Officers in the Service (COPS) para sa ikalawang pag-ulit ng mga Guro, Pulis at Sundalo (Teacher, Pulis, at Sundalo) Community Outreach Program (GPS2) na naglalayong magkaroon ng pangmatagalang epekto sa pinakamalayong komunidad ng bansa sa kanlurang hangganan nito.

Ang GPS2 Community Outreach Program ay sumasalamin sa pangako ng Metrobank sa pagkilala sa mga natatanging indibidwal at pagsuporta sa mga inisyatiba na lumilikha ng positibong pagbabago.

Sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga natatanging tagapagturo, sundalo, at opisyal ng pulisya, layunin ng Metrobank na magbigay ng inspirasyon sa iba at mapadali ang pag-unlad ng komunidad.

Kabilang sa mga naunang proyekto sa isla ay ang water supply system na kung saan makikinabang dito ang mga residente at ito’y naging posible dahil na rin sa magkatuwang na inisyatibo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pangunguna ni General Romeo Brawner Jr. PA, Chief of Staff, at Vice Admiral Alberto Carlos PN, Commander ng AFP Western Command (WESCOM).

Ayon sa WESCOM AFP, ilan sa libreng serbisyong ipinagkaloob sa nasabing programa ay gaya ng mga serbisyong medikal at dental na tinitiyak ang access sa pangangalagang pangkalusugan para sa lokal na mga mamamayan.

Sa kaganapan ay nagkaloob din ng mga regalo ang mga delegado at nag-organisa ng ilang aktibidad upang palaganapin ang kasiyahan at isulong ang diwa ng komunidad.

Ang programang ito ay nagsisilbi umanong paunang hakbang tungo sa hinaharap na pakikipagtulungan sa pagitan ng ‘Outstanding Filipino’ awardees ng Metrobank at ng mga residente ng Pag-asa Island na mai-pagpatuloy ang pagpapabuti ng kalidad ng buhay para sa mga naninirahan sa isla.