Photo Courtsey | SAAD MiMaRoPa

PUERTO PRINCESA CITY — MASAYANG tinanggap kamakailan ng mga benepisyaryong asosasyon mula sa bayan ng Agutaya at Magsaysay, Palawan, ang mahigit isang milyong pisong halaga ng mga kagamitan na ipinagkaloob ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development o DA-SAAD Program Phase 2.

Ayon sa SAAD-Mimaropa, ang mga kagamitang ipinagkaloob sa mga nasabing asosasyon na nagkakahalaga ng Php1,063,326 ay bilang suporta sa produksyon ng gulay ng dalawang (2) samahan na tinutulungan ng programa sa mga naturang munisipalidad.

Kabilang sa mga tinanggap ng Lacaren Farmers Association sa Brgy. Lacaren, bayan ng Magsaysay at ng Villa Fria Farmers Association sa Brgy. Villa Fria, Agutaya, ay mga binhi ng gulay, seedling trays, plastic mulch, plastic drums, net, at garden hose.

Ang aktibidad ay pinangasiwaan ng mga kawani ng SAAD MIMAROPA na pinangunahan nina Engr. Maiden Marie M. Segui at Jea Anne G. Yase, parehong Associate Project Officer II kasama sina Engr. Krystal Mae Lubos, MAED Lead, at Vilmar Robes, Ian Von Yadao, at Jhonzell Panganiban, pawang mga Community Development Officers.

Samantala, nangako naman ang mga naturang benepisyaryo na pauunlarin ang kani-kanilang proyekto na ipinagkaloob ng SAAD Program Phase 2.

Matatandaang, una nang nagsagawa ng mga pagsasanay hinggil sa livestock farming ang SAAD MIMAROPA na isinagawa sa ilang munisipyo sa lalawigan ng Palawan.

See Translation