Nasabat ng pulisya ang mga smuggled na sigarilyo na may kabuuang halaga na P2,508,500.00 sa Sitio Comalibongbong, Brgy. Bato, bayan ng Taytay, Palawan.
Arestado ang isang indibidwal na itinuturong responsable sa mga smuggled na sigarilyo na kinilalang alyas “Danilo”, residente ng Brgy. Calawag, nabanggit na bayan.
Nasamsam ang mga nasabing kontrabando sa pamamagitan ng ikinasang joint operation ng Palawan Provincial Intelligence Unit at Taytay Municipal Police Station (MPS) dakong 5:30 ng hapon ng ika-3 ng Nobyembre, taong kasalukuyan na isinagawa sa nasabing lugar.
Ang mga nakumpiskang puslit na mga kontrabando ay binubuo ng 173 kahon ng “Victor Agila American Blend” na kasalukuyan nang nasa pangangalaga ng pulisya.
Samantala, ang nadakip na indibidwal naman ay nasa kustodiya na ngayon ng Taytay MPS para sa proper disposition.