KASALUKUYANG isinasagawa sa bayan ng Narra, Palawan, ngayong araw ng Biyernes, Setyembre 13, ang programang Kadiwa ng National Irrigation Administration (NIA) MIMAROPA.
Ito ay sabayang isinasagawa sa iba’t ibang tanggapan ng NIA MIMAROPA partikular sa Calapan City at Pinamalayan sa Oriental Mindoro, Sablayan sa Occidental Mindoro, at Narra sa Palawan.
Tampok sa aktibidad na ito ang murang bigas na mabibili sa halagang P29 kada kilo. Ito ay prayoridad ipagbili sa mga vulnerable groups tulad ng senior citizen, solo parents, person with disabilities at miyembro ng 4Ps.
Ayon sa NIA MIMAROPA, ang programa ay pinangunahan ni Regional Manager Ronilio M. Cervantes. Ang mga ipinabibentang bigas ay may kabuuang 5,688 sako na murang-mura at kayang bilhin ng mga sektor na kabilang sa vulnerable groups.
Ang mga bigas na ito ay bahagi ng Rice Contract Farming, programa ng NIA, Department of Agriculture (DA) at iba pang ahensya ng gobyerno katuwang ang mga irrigators association o IAs. Sa rehiyon, umabot sa 60 IAs ang kabilang sa contract farming. Ito ay mayroong katumbas na 1,940 ektaryang sakahan kung saan 143 ektarya rito ang naani na.
Maliban sa bigas, mabibili rin sa NIA MIMAROPA Kadiwa ang iba’t ibang klase ng gulay at prutas sa abot-kayang presyo.