PUERTO PRINCESA—Dumagsa sa BJMP- Puerto Princesa City Jail Male Dormitory (PPCJ-MD) ang nasa 800 aplikante na nagpahayag ng kanilang interes na maging bahagi ng Jail Bureu, na naglalayong magsilbi bilang mga ganap na Jail Officers.

Ayon sa impormasyon, isinagawa ngayong ika-9 ng Enero, taong kasalukuyan, ang paunang pagsisiyasat ng mga mahahalagang dokumento at medikal na pagususuri para sa mga nag-aasam na maging bahagi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para sa taong 2025 sa PPCJ.

Isinasailalim ang mga aplikante sa masusing screening at evaluation na kinabibilangan ng physical at mental health condition ng aplikante at pagsisiyasat sa kanilang background sa komunidad upang matiyak na natutugunan nila ang mga pamantayan na kinakailangan upang maging bahagi ng BJMP.

Ayon sa BJMP MIMAROPA, ang mga pangunahing kwalipikasyon para sa mga papasok na BJMP Officers ay pagkakaroon ng college degree at eligibility kabilang ang Career Service Professional (Civil Service Commission); R.A No. 1080 (Bar and Board Examination) at Penology Officers Exam (Civil Service Commission).

Ang mga kabataang propesyonal na nagnanais na magkarera sa serbisyo sa kulungan ay dapat nasa edad 21-30 taong gulang at may good moral character. Bukod dito, may taas na 1.57 metro para sa mga lalaki at 1.52 metro para naman sa mga babae.

Batay sa impormasyon, ang isang entry-level na jail officer ay magkakaroon ng basic salary na P37,488.00, kasama ang hazard pay, subsistence allowance, rice allowance, at clothing at laundry allowance.

Maaaring magsumite ng kanilang aplikasyon ang mga nagnanais na mag-apply o mag-inquire sa mga pinakamalapit na lokal na BJMP Offices sa mga probinsya ng Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan.

Samantala, makakatulong naman ang proseso ng recruitment sa pamamahala ng 19 district, city, at municipal jails sa buong rehiyon, na may kabuuang 2,057 persons derprived of liberty (PDLs).

Author